
June 12, 2017 -- Pinangunahan ni Vice Mayor (VM) Oliver Pascual kasama ang mga local na opisyal at mga empleyado ng pamahalaang bayan, ang pagdiriwang ng ika-119 na taon ng paggunita sa Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Ginanap ang simple ngunit makahulugang pagtitipon sa liwasang-bayan kaninang ika-8 ng umaga. Dinaluhan ito ng mga hepe at mga kawani mula sa mga tanggapang pang-nasyunal.
Tampok sa paggunita ay ang panalanging ekumeniko na dinaluhan nina Fr. Franklin Manibog ng Simbahang Katoliko Romano, Pres. Manuel de Guzman ng Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, at Bishop Jose Tablit ng Tucalana Christian Fellowship. Ito ay sumasagisag na ang tunay na kalayaan ay kaakibat ng pagkakabuklod-buklod ng mga Pilipino, anuman ang etnisidad, anuman ang paniniwala, at anuman ang kung anong pagkaka-iba.
Nagkaroon ng seremonyal na pagtaas ng bandila ng Pilipinas at ang sabayang pag-awit sa Lupang Hinirang. Bahagi rin ang pag-aalay ng bulaklak sa paanan ng rebulto ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal na pinangunahan ni VM Oliver Pascual, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, hepe ng lokal na pulisya, at ng MLGOO.
Bilang pagtatapos, nag-iwan ng konting mensahe si VM Pascual. Hinimok niya ang kanyang mga kapwa lingkod bayan na itaguyod ang pangkalahatang kapakanan at isabuhay ang mga liriko ng pabansang awit -- na hindi sana maglaho ang alab sa ating mga puso upang pangalagaan ang ating kasarinlan.